Saturday, December 15, 2007

Paalam, Kaibigan

Matagal-tagal ko na ring pinag-isipan
ito. Matagal nga tayong magkakilala,
matagal na rin na tayo'y magkasama. Mga
alaalang masasaya na kailang man hindi
malilimutan. Tayo'y nagtapos ng
sekondariang edukasyon at nangakong
hindi magwawatak. Pasensya na kaibigan
hindi ko matutupad ang pangakong ito.
Masyado ka nang naging mataas. Naaalala
ko pa noong iniiwan mo ako para sa mga
"bago" mong kaibigan. 'Wag ka ng
magkaila. Alam ko na iba ang tingin mo
sa akin. Lagi mo lang akong sinasamahan
tuwing hindi mo sila gusto. Karamihan
naman sa nakilala ko ganon.
Paminsan-minsan ay gusto mo ring
mapalapit sa akin ngunit hindi mo magawa
iyon. Alam mong hindi ako ganoong
palausap. Pero kahit ganoon ang
pinapakita ko sa iyo, alam mo namang
higit pa sa kaibigan ang turi ko sayo.
Para na kitang kapatid.

Ngunit sa mga panahong ito, ikaw'y
nagbago. Nagkaroon ka ng mas maraming
kaibigan. Unti-unting lumayo tayo sa
isa't isa. Mahirap mag-aral sa isang
unibersidad na itinuturing pinakamaganda
sa ating bansa. Ang daming dapat gawin.
Sa isang kisap-mata, hindi na ako
nakakatanggap ng mga text sa iyo.
Nagpapadala ka na lng ng mensahe tuwing
kailangan mo ako. Hindi kita masisisi
sa pagkat kahit ako'y hindi na rin
masyadong nagpapadala ng mensahe tuwing
kailangan mo ako.

Hindi alintana sa akin na marami ka
ring problema. Na ayaw mo itong ipakita
sa amin. Sadyang nasaktan ako doon.
Gusto mo bang ipahiwatig na plastikan
lang ang pakikitungo namin sa iyo o
masyado mong iniingatan ang imahe mo
noong nasa hayskul pa tayo?

Masakit mang isipin na magiging ganito
ang estado ng ating pagkakaibigan.
Ayoko nang umasa pa na babalik ang dati
mong pagkatao. Hindi na ako sasama sa
landas na gusto mong tahakin. Sanay na
naman ako na maghanap ng bagong landas
kahit gaano pa man ito kahirap.
Hanggang dito na lamang, kaibigan.
Hanggang sa muling pagkikita. Paalam.